SARAH RAYMUNDO is an Assistant Professor from the University of the Philippines (UP) Diliman's Department of Sociology, College of Social Sciences and Philosophy. She's been teaching in UP for ten years. She has met, and even exceeded, the minimum requirements for tenure. Why then, after a year since she applied for tenure, is Prof. Raymundo being denied permanent status in the university?

Sarah is the Secretary-General of the Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND), Treasurer of the Alliance of Concerned Teachers (ACT) National Council, and an active member of the All UP Academic Employees Union (AUPAEU).

Tuesday, December 23, 2008

The Sarah State of the Department

by Teo S. Marasigan
Originally posted sa Kapirasong Kritika

All I wanna do when I wake up
in the morning is to theorize, oh Sarah…
– hinalaw ng mga estudyante sa kantang “Rosanna” ng Toto


Malaganap na ngayon sa Internet ang iba’t ibang sulatin kaugnay ng pagkakait ng tenure ng Departamento ng Sosyolohiya ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, Unibersidad ng Pilipinas–Diliman kay Prop. Sarah Jane S. Raymundo. Nariyan ang petisyong online para sa tenure niya, ang pahayag ng palabang All-UP Academic Employees Union na magalang na nagtatanong sa Departamento hinggil sa isyu at ang isang sulatin ni Prop. Roland B. Tolentino tungkol dito. Mayroon na nga ring website na nakalaan sa kampanyang ito.

Sentral sa lahat ng sulating ito bilang puntirya ng ngitngit ang pag-abiso noong Nobyembre 6 kay Prop. Raymundo ng tagapangulo ng Departamento na: (1) ipinagkait ng tenured na kaguruan ng Departamento ang aplikasyon niya para magkaroon ng tenure at (2) huwag na niyang pasukan ang mga klaseng sinimulan niyang turuan ngayong semestre. Hindi inilahad ang kahit anong batayan ng pagkakait kaya bilang protesta, pinasukan ni Prop. Raymundo ang mga klase niya. Taliwas sa persepsyong likha ng ilang pahayag, patuloy siyang nagtuturo ngayon at hindi na siya kinibo ng mga ka-Departamento niya hinggil sa usaping ito. Salamat na lang at sinuway niya ang bigla-biglang kautusan.

Nagkataon lang naman na siyam na taon nang nagtuturo si Prop. Raymundo at Mayo 2009 pa matatapos ang kontrata niya sa Unibersidad. Kaya naman madaling lumutang ang mga pagkwestyon sa tamang proseso ng “pagsisante” sa kanya. Una, ora-orada ang pagpapatigil sa kanyang magturo – na napakasakit para sa isang tao, kahit na sinong tao, na siyam na taon na sa isang trabaho. Ikalawa, hindi siya nakalahok sa kahit anong deliberasyon hinggil sa tenure niya. Ikatlo, hindi man lang malinaw na inilahad ang mga batayan ng desisyong ito. Kung papatigilin mo na sa pagtuturo ang isang gurong siyam na taon na sa propesyon, hindi ba dapat man lang ay sabihin na agad ang mga batayan?

Pero ano nga ba ang posibleng batayan? May sinisiping dokumento ang pahayag ng AUPAEU na nagsasabing tungkulin ng tenured na kaguruan na “Itaguyod ang kalayaang pang-akademiko, na nagtatakdang isandig ang mga pagtatalaga ng guro (faculty appointments) sa mga batayang akademiko lamang: performance sa pagtuturo, pananaliksik at gawaing ekstensyon, potensyal na ambag sa disiplina, at etikal na pagsasabuhay ng propesyon.” Ayon sa AUPAEU, hindi lang nasapatan ni Prop. Raymundo ang mga rekisito; nahigitan pa niya ang mga ito: nagtapos ng masterado, nakaani ng mataas na marka sa ebalwasyon ng mga estudyante, maraming nalathalang sulatin, at masigasig sa gawaing ekstensyon.

Hindi kaila sa marami na paboritong guro si Prop. Raymundo ng maraming estudyante ng UP, kumukuha man ng kursong BA Sosyolohiya o hindi. Maraming nag-eenrol sa klase niya at tumatatak ang pagtuturo niya sa isip ng mga estudyante. Halos kahanay na niya sa pagiging pinakapopular sa mga estudyanteng kumukuha sa Departamento ng mga aralin si Prop. Gerardo “Gerry” Lanuza, na katulad niya sa ilang aspekto. Ang bali-balita, mabilis na lumobo ang kasapian ng blog sa Facebook na ginawa laan din sa tenure niya.

Bakit siya popular sa mga estudyante? Naalala ko tuloy ang “He Was my Teacher” [1964, nasa Desert Islands and Other Texts, 1953-1974, 2004], sanaysay na isinulat ng pilosopong Pranses na si Gilles Deleuze para ipagmalaki at parangalan ang propesor niyang si Jean-Paul Sartre, isa ring pilosopong Pranses, noong tinanggihan ng huli ang Premyong Nobel para sa Panitikan. Aniya, “Sa pagkawasak at pag-asa ng Liberasyon, natuklasan namin, natuklasan naming muli, ang lahat. Si Kafka, ang nobelang Amerikano, sina Hegel at Heidegger, tuluy-tuloy na pakikipag-negosasyong muli sa Marxismo, pagkahilig sa nouveau roman… Lahat ng ito’y dumaloy kay Sartre, hindi lang dahil isa siyang pilosopo at magaling siya sa totalisasyon, kundi dahil alam niya kung paano mag-imbento ng bago.” Tanong niya, “sino maliban kay Sartre ang maalam kung paano magsabi ng bago? Na nagturo sa amin ng bagong mga paraan ng pag-iisip?”

Maaaring hindi siya ang pilosopo ng ating panahon, pero ganito rin ang masasabi tungkol kay Prop. Raymundo. Sa mga klase at sulatin niya, dumadaloy ang makabuluhan at bago sa iba’t ibang larangan: kulturang popular, masmidya, pilosopiyang Europeo (naging paborito niya sina Louis Althusser, Michel Foucault, Jacques Derrida, Slavoj Zizek at Alain Badiou), Marxismo, feminismo (maging feminismong Pinoy), pag-aaral sa mga pelikula, kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas, samu’t saring isyung panlipunan, rebolusyunaryong kilusan sa Pilipinas lalo na’t kaugnay ng pagwawasto nito noong dekada 1990, mga intelektwal na Pinoy lalo na ang mga progresibo, bagong mga tunguhing konserbatibo at neo-konserbatibo sa ibang bansa, showbiz, at sikoanalisis.

Maaaring masalimuot ang pagkakalahad niya ng mga ideya sa mga sulatin – bagamat mayroon din siyang mga isinulat na nakapuntirya sa karaniwang mambabasa – pero tumutungo ang estilo niya ng pagtuturo sa popular at palatawa. Tiwala man siyang nasasapul ng mga estudyante ang itinuturo niya, napapaisip siya minsan batay sa mga komento nila kung inaakala nilang tulad lang siya ni Ai-Ai de las Alas o Pokwang. Sigurado, gayunman, na mas masiste at malikot-sa-isip kaysa slapstick ang patawa niya. Sa paghugot ng kongklusyon o punchline, mahilig siya sa kakatwa at biglang pagbaligtad ng maiikling pormulasyong alam ng marami. Tiyak, isa siyang “probokador ng kaisipan” na ayon kay Prop. Francisco Nemenzo, Jr. ay dapat na katangian ng isang propesor.

Kaya nakakapangambang posibleng sa “etikal na pagsasabuhay ng propesyon” hinuhugot ng tenured na kaguruan ng Departamento ang batayan sa pagtanggi nitong gawaran ng tenure si Prop. Raymundo. Marami nang sabi-sabi at haka-haka sa kung ano ang batayan ng tenured na kaguruan sa desisyon nito – at wala itong ibang dapat sisihin kundi ang sarili, dahil tinangka nitong patigilin sa pagtuturo si Prop. Raymundo nang hindi ihinaharap sa kanya ng mga usapin at nang hindi hinihingi ang panig niya. May pagkakapareho ang lahat ng sabi-sabi at haka-haka, gayunman: Patungkol daw sa pampulitikang mga aktibidad ni Prop. Raymundo ang mga batayan, na walang matibay na mga ebidensya. Kaya naman nasasabing “pulitikal,” “marumi,” at “anti-aktibista” ang desisyon.

Aktibistang guro kasi si Prop. Raymundo. Pangkalahatang kalihim siya ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy o CONTEND–UP, aktibong miyembro ng AUPAEU, pambansang ingat-yaman ng Alliance of Concerned Teachers o ACT, at mananaliksik ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao. Hindi niya ito inililihim, ipinagmamalaki pa nga niya. Sa lumang metapora, hindi siya nagpakupot lang sa apat na sulok ng paaralan.

Kaya nga tawag-pansin na ang napapabalitang maliit na minorya sa tenured na kaguruan na pinakapursigidong ipagkait sa kanya ang tenure ay binubuo ng mga gurong pinaka-minimal ang paglahok sa pulitika o mga usaping pangkampus o pambansa. Mga guro itong sa pagtuturo at pagsusulat ay gumagamit ng mga kaisipan ng Pantayong Pananaw, ng Frankfurt School ng “Marxismo,” at ng iba pang teoryang sosyolohikal. Makikita sa kaso ni Prop. Raymundo, gayunman, na hindi nila mailapat ang mga teoryang pinag-aralan at “ginagamit” nila sa isang kongkretong sitwasyong nangangailangan ng mga hakbanging simple lang naman: ng simpleng paglilinaw ng ebidensya, ng simpleng pagiging patas at prangka, ng simpleng pagbibigay ng konsiderasyon sa kapwa at ng katarungan.

Dahil kaya ito sa katangian ng mga teoryang pinapaniwalaan nila? Dahil kaya sa kakulangan nila ng pakikisangkot sa mundo labas sa klasrum? Sa kumbinasyon ng dalawa? Dahil ano ang mga teoryang ito kung kinabibilangang parang grupo at nagagamit sa pagtuturo’t pagsusulat pero hindi ginagamit sa totoong buhay? Ano ang kabuluhan ng teorya kung hindi ito lapat sa pang-araw-araw na buhay? Kagamitan lang sa hanap-buhay, sa pagkita ng pera? Trabaho lang na walang personalan? Taguyod ng “talastasang bayan” at “pang-komunikasyong rasyunalidad,” pero makaisang-panig sa pag-alam ng “katotohanan” sa sariling departamento? May teoryang ginagamit bilang mananaliksik at guro pero bilang kaguro, hinahayaang palitan ng mga tsismis at haka-haka ang katotohanan?

At ano ang tindig ng mayorya ng tenured na kaguruan? Silang kinabibilangan ng matatawag na nating lokal na pampublikong mga intelektwal? Silang may pakikisangkot sa pulitika ng kampus at bayan at sa iba’t ibang isyu ay tumitindig nang tugma sa interes ng komunidad ng UP at ng mga mamamayan? Silang taguyod ng “mga prosesong demokratiko” sa loob at labas ng kampus? Silang nakataya rin ang reputasyon sa harap ng kampus at publiko? Silang napabalitang pinagmatigasan ng maliit na minorya sa tigas-ulong tindig nito?

Sila siguro ang pwede pang maliwanagan at gumawa ng ilang simpleng hakbang: ang manindigan at bumotong iharap kay Prop. Raymundo ang mga batayan ng pagkakait sa kanya ng tenure, hayaan siyang magpaliwanag at mula rito’y balik-aralan ang pasya. Kung mapapatunayang mabuway ang mga batayan, o wala talagang batayan, marapat lang na itaob ang naunang desisyon at bigyan na ng tenure si Prop. Raymundo. Maaaring sabihing taliwas ito sa naunang mga praktika ng maraming departamento sa pagtalakay sa tenure, pero kung tutuusin, ito talaga ang minimum na hinihingi ng prosesong makatwiran.

Kailangan nilang gawin ito para mabigyan ng katarungan si Prop. Raymundo – at ang mga gurong tulad niyang nahaharap sa katulad na proseso, ang mga estudyanteng karapat-dapat magtamasa ng makabuluhang pagtuturo, at ang taong bayang nagsusubsidyo sa pamantasan ng dapat ay mahuhusay na guro.

19 Disyembre 2008

No comments: