SARAH RAYMUNDO is an Assistant Professor from the University of the Philippines (UP) Diliman's Department of Sociology, College of Social Sciences and Philosophy. She's been teaching in UP for ten years. She has met, and even exceeded, the minimum requirements for tenure. Why then, after a year since she applied for tenure, is Prof. Raymundo being denied permanent status in the university?

Sarah is the Secretary-General of the Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND), Treasurer of the Alliance of Concerned Teachers (ACT) National Council, and an active member of the All UP Academic Employees Union (AUPAEU).

Sunday, June 28, 2009

Isang pakiusap kay Randy David

ni Prop. Danilo A. Arao
mula sa http://pinoyweekly.org/new/isang-pakiusap-kay-randy-david/

Mabilis kumalat ang balita tungkol sa iyong planong pagtakbo sa darating na halalan, kasing-bilis ng paggamit ng midya sa katagang “David at Gloriath” para lalo pang kilitiin ang diwa ng mamamayan.

Sa wakas, may katapat na si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung sakaling totoo ang plano niyang tumakbo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa House of Representatives. Tama ka, hindi na isyu kung malaki ba ang tsansa mong manalo laban kay “Gloriath” na inaasahang gagawin ang lahat para makakuha ng pinakamaraming boto.

Bilang propesor ng sosyolohiya, hindi mo kailangan ng “reality check” na sinabi ni Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo na tatambad sa iyo oras na magdesisyon kang labanan ang kanyang ina (o kahit siya). Sa dami ng iyong naisulat sa mga dekadang nagdaan (bukod pa sa iyong trabaho sa akademya’t midya), sigurado akong mas marami kang alam tungkol sa realidad ng ating lipunan kumpara sa mag-inang iyan.

Alam mo ang realidad na lalabanan mo ang isang Pangulong makapangyarihan subalit hindi popular, isang kandidatong hindi mananalo sa malinis na paraan sa pambansang antas o sa labas ng kanyang balwarte sa Pampanga. At mas lalong alam mong hindi magiging patas ang laban, kaya malaki ang posibilidad ng iyong pagkapanalo sa botohan pero pagkatalo sa bilangan.

Sabi mo sa isang panayam sa midya, “Nakakahiya naman yata ang mga Kapampangan kung walang ni isang hahamon, tatayo at hahadlang sa kanyang mga balakin.” Malaking sakripisyo man ito sa iyo at sa iyong pamilyang ayaw kang patakbuhin, nakita mong ito ang hamon sa iyo ng panahon.

Kung gaano kabilis ang pagbuhos ng suporta mula sa oposisyon at iba pang indibidwal (kahit na hindi Kapampangan) ay kasing-bilis din ng pagbatikos sa iyo ng mga nasa pamahalaan. Kahit na wala pang bukas na pag-amin si Pangulong Arroyo tungkol sa kanyang plano sa 2010, nagbigay na ng prediksiyon si Cabinet Secretary Silvestre Bello III ng iyong pagkatalo. Isang “rude awakening” sa pulitika ang naghihintay sa iyo, ani Rep. Mikey Arroyo.

Mapanglait din ang pahayag ni House Speaker Prospero Nograles: “I got surprised that it’s only because he disliked PGMA and not the usual reason for running, which is public service. Anyway, the very big question is if at all he wins a seat, he will have first-hand experience in … Congress and may suddenly find that some of his public criticisms might not be correct or justified at all.”

Sa unang tingin, tila may katwiran si Nograles, gayundin ang iba pang opisyal, na punahin ang iyong intensiyon sa pagtakbo. Bakit ka nga naman magdedesisyong tumakbo dahil galit ka lang sa iyong katunggali? Hindi ba’t serbisyo publiko ang dapat na isaisip ng sinumang tatakbo?

Ang tanong sa puntong ito, ano ba ang intensiyon ni Pangulong Arroyo kung sakaling matuloy ang plano niyang tumakbo sa mas mababang posisyon sa 2010? Ayon mismo kay Presidential Legal Counsel Raul Gonzalez, “(T)here are so many threats against her…Every announced candidate said he will prosecute her…(T)hat’s a factor, of course.”

Madaling sabihing gusto lang ipagpatuloy ni Pangulong Arroyo ang pagsisilbi sa publiko kaya siya magpapakumbaba’t tatakbong muli. Pero dalawang tanong ang kailangang sagutin. Una, kung gusto niyang magkaroon ng impluwensiya sa pambansang antas, bakit hindi na lang siya tumakbo sa Senado? Ikalawa, kailangan ba ng isang taong manalo sa isang eleksiyon para makapagsilbi sa mamamayan?

Ilang beses nang nabanggit ang pangangailangang mapanatili sa puwesto si Pangulong Arroyo para maiwasan ang mga demandang ihahain laban sa kanya. At dahil patapos na ang kanyang termino bilang Pangulo, ang isang komplikadong paraan para maibalik siya sa puwesto ay ang pag-upo niya bilang miyembro ng House of Representatives sa 2010. At dahil kailangang mahalal siya bilang House Speaker, lubos ding kinakailangang ang mayorya ay alyado niya. Oras na mangyari ang dalawang bagay na ito, maaari nang ituloy ang balak na baguhin ang Saligang Batas para mabago sa parlamento ang sistema ng gobyerno. Inaasahan ang muling panunungkulan ni Arroyo bilang Punong Ministro, at sa puntong ito’y wala nang limitasyon sa haba ng kanyang panunungkulan.

Malinaw na hindi normal ang pulitikal na kalagayan ng ating bayan, at inaasahan ang mas madugo pang labanan para hadlangan ang binabalak ng mga nasa kapangyarihan. Ang sinumang nagnanais na labanan ang maitim na balak ni Pangulong Arroyo at ng mga alyado niya ay nagsisilbi sa interes ng nakararami. Tunay na nabubuhay tayo sa isang pambihirang pagkakataong ang pagmamahal sa bayan ay naipapakita sa ating pagkamuhi sa mga nanunungkulan.

Kaya alam mo, Propesor David, na ngayon pa lang ay nagsisilbi ka na hindi lang sa mga Kapampangan kundi sa lahat ng naghihirap na Pilipino. Hindi ako magugulat kung sa mga darating na buwan ay marami sa mga kapwa natin guro sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay mag-eendorso sa iyong kandidatura, pati na rin ang ating mga estudyante, alumni, kawani at residente.

Natatandaan mo pa bang magkasama tayo noong Pebrero 2002 sa isang pulong sa Malakanyang? Kasama ang iba pang taga-UP Diliman, sinabi natin kay Pangulong Arroyo ang marami nating hinaing, mula sa mga partikular na problema ng ating unibersidad hanggang sa mga pambansang isyu tulad ng Balikatan.

Makalipas ang apat na taon, idineklara ni Pangulong Arroyo ang state of national emergency noong Pebrero 2006. Inaresto ka sa isang kilos-protesta samantalang kinansela naman ang aking programa sa radyo. Dahil magkasama tayo sa isang komite ng konseho ng UP Diliman, nagtulungan tayo para maglabas ng malinaw na mensahe laban sa nangyayari sa ating bansa at ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ni Arroyo. Tandang-tanda ko pa ang iyong pagpapakumbaba at ang pakiusap na huwag nang ikaw ang humarap sa midya hinggil sa naging desisyon ng UP Diliman. Sinabi mo sa aking ako na lang o ang iba pang kasamahan ang magharap ng pahayag sa publiko, isang bagay na iginalang ko.

Sa darating na Pebrero 2010 (ang tinatayang simula ng kampanya), maaasahan mo ang pagbuhos ng suporta mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kilala ka’t iginagalang, bagama’t hindi natin alam kung ang kasikatan mo’t panawagan para sa makabuluhang pagbabago ay magiging sapat para labanan ang makinarya ng administrasyon.

Kasama ba ako sa tutulong sa iyong kandidatura? Pasensiya na’t hindi ko pa sigurado.

Wala man tayong malalim na pinagsamahan at napakalaki ng agwat ng ating edad (sikat ka nang propesor nang maging estudyante ako sa UP Diliman noong kalagitnaan ng dekada 80), may maliit lang sana akong pakiusap na sana’y huwag mong masamain.

Hindi siguro alam ng maraming tao na ikaw ay kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Sosyolohiya ng UP Diliman. Para sa maraming estudyante’t gurong taga-UP, alam na alam nila ang kaso ni Prop. Sarah Raymundo, isang kasamahan mo sa departamento (at personal kong kaibigan) na pinagkaitan ng tenure kahit na nalampasan pa niya ang mga pangangailangan para dito.

Hanggang ngayon ay wala siyang pormal na sulat na nagsasaad kung ano ang kanyang naging pagkukulang, kung mayroon man. Ang tanging alam lang niya ay hindi niya nakuha ang boto ng 2/3 ng tenured faculty ng iyong departamento, kahit na mataas ang ebalwasyon sa kanya ng mga estudyante niya, nakuha niya sa itinakdang panahon ang kanyang master’s degree at nakapaglathala siya ng mga artikulo sa refereed journal.

Maaari mong ipagwalang-bahala ang isyung ito at sabihing ito ay internal sa inyong departamento. Pero kailangan mong malamang ito ay sumasagisag sa klase ng lideratong ikakampanya mo sa susunod na hinaharap at itataguyod mo kung sakaling manalo ka sa eleksiyon.

Kung ang isang kwalipikadong guro ay hindi mo mabigyan ng hustisya, paano pa kaya ang milyon-milyong pinagkaitan ng kasalukuyang rehimen? Nasaan ang panawagan mo para sa government transparency kung ang mismong departamento mo’y pinagkakaitan ng impormasyon si Prop. Raymundo kaya hindi niya masagot ang anumang paratang sa kanya? Bakit ang paninindigan ng Departamento ng Sosyolohiya tungkol sa kaso ni Prop. Raymundo ay hindi naiiba sa nakabibinging katahimikang ipinapakita ng Pangulong nais mong kalabanin?

Hindi pa huli ang lahat, Propesor David, para bigyan ng hustisya ang iyong kasamahan bago ka seryosong sumabak sa maruming daigdig ng pulitika.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com

No comments: