Dr. Rolando B. Tolentino
November 28, 2009
Orihinal na mababasa sa http://pinoyweekly.org/new/2009/11/politikal-na-persekusyon-sa-up/
Sa isang makapal na sulat noong Oktubre 28, 2009, ibinaba ni Chancellor Sergio Cao ang desisyon sa apila ng tenure ni Prof. Sarah Raymundo. Denied. Sa usaping akademiko, hindi kasing galing ng taga-College of Science na umapila rin at mayroong 23 artikulo sa ISI-indexed journals si Prof. Raymundo.
Sa iba pang panuntunan para sa tenure—“professional ethics, intellectual honesty, and other values central to academic life”—malinaw din sa Chancellor na hindi nakamit ni Prof. Raymundo ang mga rekisito. Malaki ang kumpiyansa ng kanyang desisyon sa “minority reports” na ipinadala ng dating tagapangulo (Clemen Aquino, 18 Abril 2008) at minoridad (Marcia Ruth Gabriela Peczon Fernandez, Clarissa A. Rubio, at Marie Joy Arguillas, 1 Abril 2008 at 17 Oktubre 2008) ng Departamento ng Sosyolohiya, ang pinanggagalingan unit ni Prof. Raymundo.
Sentral na usapin sa pagtanggi sa tenure ng minority reports ay ang kaso ni Karen Empeno, isang mag-aaral na taga-Departamento ng Sosyolohiya na dinukot ng mga militar at nananatiling desaparacidos, at ang antas ng pakikisangkot ni Prof. Raymundo sa press conference nito. Kinapanayam si Prof. Raymundo, at pinapagunita sa kanya ang kanyang partisipasyon, kahit pa may ilang panahon na rin ito (gayong may pinasulat na ulat si Aquino kay Raymundo ukol sa insidente), at kahit hindi rin naman formal na nilinaw sa kanya ang mga agam-agam at akusasyon.
Bakit daw hindi nilinaw sa maraming pagkakataon ni Prof. Raymundo na hindi na mag-aaral si Empeno ng Sosyolohiya, AWOL na ito? Gayong malinaw naman sa isang University Council meeting nang banggitin itong detalye ni Aquino ay mismong si Chancellor Cao ang nagdeklara na itinuturing pa ring estudyante ng Unibersidad si Empeno? Ang tanong dapat ay bakit gustong dumistansya ng Departamento ng Sosyolihiya sa mga estudyante niyang lumabas ng klasrum at Unibersidad para maglingkod sa bayan?
Bitbit pati ang argumento laban kay Prof. Raymundo, na dapat ay nilinaw sa Departamento, ang antas ng pakikisangkot niya sa press conference para kina Empeno at Sherilyn Cadapan, ang kasabayang dinampot, (ni hindi nga idinawit ni Prof. Raymundo ang Departamento bilang sponsor ng aktibidad), at sa isang tula ni Prof. Raymundo para kay Empeno (madz, footnote ang pinuntirya at sa pareho pa ring taliwas na argumento na hindi na nga estudyante si Empeno).
Pati nga ang miyembro ng kasapian ng Tigil-Paslang, ang alyansa sa UP para sa kampanya ng nawawalang estudyante at pagtataguyod ng karapatang pantao ay binuyanyang din ng tatlong faculty bilang pinagkaitan ng katotohan ni Prof. Raymundo. Dawit din dito ang kasapian ng University Council. Idiniin pa ang librong Kontra-Gahum: Academics Against Political Killings, ang koedited na libro namin ni Prof. Raymundo, bilang kabahagi ng conspiracy, at sa paghuhusga raw ng tenured faculty ng Departamento na hindi naman akademiko ang kalidad. At kung gayon, pati ang publikasyon ng Ibon, isang progresibong imprenta, ay hindi rin papasa sa akademikong panuntunan.
Ang pag-aangkat ng mga informasyong magdidiin kay Prof. Raymundo sa iba pang rason—maliban sa akademiko—sa kondisyon ng pagkawala nina Empeno at Cadapan ay direktang nakaugnay sa paghahanap ng hibla ng katotohanan sa kanilang formulasyon: politikal na animal si Prof. Raymundo, at hindi angkop sa akademikong kahilingan ng Departamento at Unibersidad. At ang politikal na animal, ipagkakanulo ang katotohanan para sa politikal na layunin.
Ang hindi na naman binabanggit ng minority reports ay ang politikal na motibasyon sa sarili nitong pagtataguyod ng “makatotohanang” ugnayan. Na ang kanilang pagdidiin kay Prof. Raymundo na handang itaguyod ang karapatang pantao nina Empeno at Cadapan ay kabahagi rin ng pagdidiin ng estado sa sinumang aktibistang itinuturing nito bilang suwail at subersibo, mga nilalang na hindi handang tumahak ng ofisyal na landas ng pagkamamamayan, at kung gayon, maaring damputin at paslangin. O sa insidente ni Prof. Raymundo, hindi handang tumahak sa ranggo ng tenured faculty at intelektwal na akademiko ng Unibersidad.
Ilang ulit binabanggit ang “katotohanan” sa minority reports, at ang hindi pag-uphold ni Prof. Raymundo nito. Ano at kaninong katotohanan ba ang dinadawit ng mga ito? At bakit din sinaligan ang baluktot na katotohanan ito sa hindi pagbibigay ng tenure kay Prof. Raymundo? Bakit ito ang pinaniwalaang katotohanang magsasakdal at maghuhusga kay Prof. Raymundo bilang unethical, dishonest at bagsak sa pag-uphold ng values central to academic life?
Sa panahon ng witchhunting ay sinusunog ang mga pinaghihinalaang di-Kristiano. Sa panahon ng Nazi, pinasusuot ng insignia na magtatatwa sa mga identidad na hindi Aryan. Sa panahon ni McCarthy, televised ang witchhunting sa mga pinaghihinalaang komunista. Nawawalan ng trabaho sa industriya, kundi man, nagpapatiwakal ang maraming nabiktima. Sa panahon ng neoliberal na UP, exclusibong pulong at palitan lang ito ng memo.
Sa katunayan, formal na nalaman lang ni Prof. Raymundo ang minority reports nang ibaba ni Chancellor Cao ang desisyon, at in-append ang mga dokumento, isang taon at walong buwan matapos siyang mag-apply ng tenure. Natural na walang ofisyal na conspiracy na naganap o maaakusa man lamang, bagamat ito naman ang inaasahan sa isang elitistang burukrasyang nakakapagdesisyon hinggil sa kabuhayan at kamatayan ng mga progresibo nitong faculty.
Ito ang blackeye sa mukha ng administrasyon ng UP sa edad ng neoliberal na edukasyon na nagpapadaloy sa higit pang politika na konserbatismo, at ng Oplan Bantay Laya, ang anti-insurgency campaign ng gobyerno. Ito ang insidente at sandali na hindi marangal na tumatambad ang Oblation sa sinumang dumadaan sa poder niya.
No comments:
Post a Comment