All UP Workers Alliance
Mula sa Pandayan, June 2010 Issue
Orihinal na nakapaskil sa http://upissues.files.wordpress.com/2010/06/pandayan-2010-3b.pdf
Makasaysayan at makatarungan ang pagkakagawad kay Prop. Sarah Raymundo ng tenure na humigit-kumulang isang dekada niyang pinaghirapan sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Matapos ang halos dalawang taon ng matiyagang pagsunod sa ligal at wastong proseso ng aplikasyon at apila para sa tenure, pinaboran ng UP Board of Regents (BOR) noong Mayo 27, 2010 ang paggawad ng tenure kay Raymundo.
Sa nasabing pulong ng BOR, ipiniresenta ni Pangulong Emerlinda Roman ang “Statement of Concern” na pirmado ni Tsanselor Sergio Cao, limang bise-tsanselor at 22 dekano at direktor ng mga kolehiyo’t programa sa UP Diliman. Sa nasabing pahayag, inudyok ng mga nakapirma na isaalang-alang ng mga miyembro ng BOR ang rekomendasyon ng akademikong departamento at ng pangulo ng Unibersidad (na hindi bigyan ng tenure si Raymundo) patungkol sa apila ni Raymundo.
Ngunit sa desisyon ng BOR, isinaalang-alang nila ang batayang akademikong kahingian sa pagbibigay-tenure sa isang guro ng unibersidad. Sa pamamagitan ng botong 5-2-1 (pabor, di-pabor at abstain), nagdesisyon ang BOR pabor sa apila ni Raymundo sapagkat walang malinaw na akademikong batayan ang Departamento ng Sosyolohiya, Opisina ng Tsanselor ng Diliman at Opisina ng Pangulo ng UP upang ipagkait kay Raymundo ang tenure. Malinaw sa nasabing desisyon na walang anumang akademikong pagkukulang si Raymundo. Sa katunayan, sa kahit na anong administratibong opisina o lebel ay hindi kailanman kinuwestiyon na naabot, at nalagpasan pa nga, ni Raymundo ang minimum na akademikong kahingian upang mabigyan ng tenure sa unibersidad.
Sa bukas na liham naman ng alyansang Rights of Untenured UP Faculty (RU UP Faculty) sa BOR, pinasalamatan nila ang mga miyembro ng BOR na kinatigan ang katarungan para sa tenure ni Raymundo. Nilinaw rin nila ang “posibleng maling pananaw” na inihahayag ng “Statement of Concern” na pinamunuan ni Tsanselor Cao patungkol sa akademikong proseso ng paggawad ng tenure. Ipinaalala ng RU UP Faculty na nirespeto ni Raymundo ang burukrasya ng proseso ng aplikasyon at apila ang kaniyang tenure. Dagdag pa nila, kaya humantong sa BOR ang apila ni Raymundo ay sapagkat nakakita siya ng kawalang-katarungan sa mga desisyon ng Departamento ng Sosyolohiya, ni Tsanselor Cao at ni Pangulong Roman. Pinakamatingkad sa kawalang-katarungang ito ang katotohanan na walang anumang akademikong batayan ang departamento, tsanselor at pangulo upang hindi bigyan ng tenure si Raymundo.
Ipinabatid rin ng RU UP Faculty na tulad ng tsanselor, mga bise-tsanselor, mga dekano at direktor, at pangulo, itinuturing ng alyansa at ni Raymundo na sagrado ang akademikong autonomiya. Tulad ng nakasaad sa dokumentong “Shaping Our Institutional Future: A Statement on Faculty Tenure, Rank and Promotion” (OVPAA, 2004), iginiit rin ng alyansa na ang akademikong autonomiya ay inaasahang maging patas at makatarungan. Inaasahan rin na binabalanse ng akademikong autonomiya ang (1) karapatan ng tenured faculty na magdesisyon at (2) karapatan ng untenured faculty sa isang makatao at makatarungang desisyon. Sa kaso ni Raymundo, ang desisyon ng departamento, tsanselor at pangulo ay nakita na hindi makatarungan at walang akademikong batayan.
Nakamit na ni Raymundo ang kaniyang tenure. Ngunit hanggang ngayon ay ipinaglalaban pa rin ni Raymundo ang pagkakaroon ng teaching load ngayong semester at ang pagproseso ng kaniyang departamento para sa basic papers ng kaniyang tenured na posisyon.
No comments:
Post a Comment