Pahayag ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) - University of the Philippines
Pebrero 6, 2009
Pangalanan na ang di inilalantad ni Dr. Clemen Aquino, tagapangulo ng Sociology Department ng U.P.—politikal na panunupil. Itinatago ni Dr. Aquino ang rason ng di pagbibigay ng tenure ng departamento sa balatkayo ng “proseso,” na ang proseso ay hindi pa nakukumpleto gayong ipinabatid na ni Dr. Aquino kay Prof. Sarah Raymundo ang desisyong ito ng departamento. Malinaw ang desisyon gayong di malinaw ang paliwanag.
Politikal na panunupil ito sa dalawang dahilan. Una, tinangka ni Dr. Aquino at ilang faculti ng Sociology Department na gamitin ang pagbibigay-suporta ni Prof. Raymundo sa press conference para mailitaw ang mga dinukot na estudyanteng sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2006 laban sa aplikasyon niya para sa tenure. Hindi kailanman ginamit ni Prof. Raymundo ang pangalan ng departamento sa pagtulong sa panawagang ilitaw ang dalawang nawawalang estudyante. Kinausap din si Prof. Raymundo mahigit isang taon matapos ang presscon upang usisain kung siya ba ang nagrecruit kay Karen Empeno sa aktibistang organisasyon nito at kung siya ba ay nagrerecruit ng mga estudyante niya sa progresibong kilusan. Maituturing bang inosente at nangangalap lamang ng datos ang ganitong linya ng pagtatanong?
Karaniwan bang tinatanong ang mga ganitong tanong sa lahat ng miyembro ng kaguruan? O hindi nga ba dahil may nauna nang baluktot na paghusga sa pulitika ni Prof. Raymundo kaya siya naging bulnerable sa ganitong malisyosong imbestigasyon?
Sa unang botohan para sa tenure ni Prop. Raymundo noong unang bahagi ng 2008, hindi kinatigan ng mayorya ng tenured faculty ng departamento ang ganitong mga akusasyon, at inirekomenda nila ang tenure ni Prop. Raymundo. Ngunit bininbin ang pagsapinal sa desisyong ito.
Ikalawa, noong Oktubre 2008, muling pinatawag si Prof. Raymundo upang kausapin hinggil sa dipagbalik ng estudyanteng si Julian, na estudyante ni Prop. Raymundo sa isang kurso, mula sa isang di umano’y paglahok nito sa isang immersion. Gumawa na naman ng fantabulsong koneksyon si Dr. Aquino at ilang faculty ng departamento sa “pagkawala” ni Julian at si Prop. Raymundo ang tinuturo bilang promotor ng desisyon ng estudyante na di na bumalik sa unibersidad.
Walang katotohanan ni patunay hinggil sa pilit na ikinokonektang akusasyon kay Prof. Raymundo. Sa kabila nito, ito ang lumalabas na naging basehan ng pagpaling ng inisyal na suporta ng mayorya ng faculty ng departamento tungo sa di-pagrekomenda ng tenure kay Prof. Raymundo sa pagtatapos ng unang semestre. Dinagdag ito sa nauna na nilang mga bintang na may kinalaman sa estudyanteng si Karen Empeño. Ano ang pruwebang iniharap ni Dr. Aquino gayong mabibigat ang mga akusasyong di naman pormal na inihain kay Prof. Raymundo para makapagpaliwanag ng kanyang panig?
Dagdag pa, noon mismong Nobyembre 6, sinabihan ni Dr. Aquino si Prop. Raymundo na hindi muna pumunta sa kanyang klase sa susunod na araw hanggang siya ay abisuhan. Hanggang ngayon ay hindi pa binawi ang ganitong direktiba. Gayunpaman, patuloy na nagtuturo si Prop. Raymundo. Sa liham ni Aquino noong Nobyembre 20, 2008, “ang mabigyan ng kaukulang pagsasaalang alang ang kapakanan ng mga mag-aaral at ni Prop. Raymundo” ang dahilan kung bakit kagyat siyang kumunsulta sa Office of the Vice President for Legal Affairs noong Nobyembre 7. Anong kapangyarihan ang mayroon ang isang Tagapangulo ng Departamento na hindi papasukin ang isang faculty sa kanyang mga klase nang walang legal na batayan?
At ano ang nagawang kasalanan ni Prop. Raymundo na kailangang ikonsulta sa legal office ng unibersidad?
Nagkukubli si Dr. Aquino sa kanyang pormal na interpretasyon ng proseso kaya hindi nagpapaliwanag. Alam niya na sa karaniwang praktika sa unibersidad, ang rekomendasyon ng mga departamento kaugnay ng tenure ay sinasangayunan ng nakakataas na mga opisina kaugnay ng prinsipyo ng pagrespeto sa disciplinal autonomy. Kung gayon, ang desisyon ng departamento na di paggawad ng tenure kay Prop. Raymundo ay prosesong kumpleto na sa antas ng departamento. At ang kanyang pagpapaabot nito kay Prop. Raymundo ay bahagi ng proseso na ayaw niyang kumpletuhin sa pagbibigay ng dahilan ng desisyon. Nagkukubli naman ang ilang kasapi ng departamento sa umano’y progresibong politikal na track record kaya hindi lubos na maunawaan ng mga nakakaengkwentro sa kaso ni Prof. Raymundo na hindi akademiko at sa totoo ay politikal ang batayan para sa desisyong di pagkakaloob ng tenure sa kanya. Natupad ni Prof. Raymundo ang academic requirements para sa tenure, bakit hindi siya pinagkalooban nito?
Kinakailangang magpaliwanag si Dr. Aquino at ang ilang tenured fakulti ng departamento hinggil sa kanilang mga akusasyon at desisyon ng di paggawad ng tenure kay Prop. Raymundo. Huwag gamitin ang proseso at ang umano’y progresibong politikal track record para itago ang mga di napapatunayang akusasyon sa likod ng proseso. Ipagtanggol ang karapatan ng gurong may progresibong paniniwala. Panagutin si Dr. Aquino at ang departamento sa kanilang desisyon.
Pinagyaman ng mahabang kasaysayan ng progresibong kaisipan at pagkilos sa U.P. ang kalakarang transparency, accountability, due process, debate ng mga idea at ang pagtindig laban sa witch-hunting at red-baiting. Ipagtanggol ang mga kalakarang ito, lalo pa sa gitna ng umiigting na komersyalisasyon at politikal na panunupil sa kampus, sa sektor ng edukasyon, at sa bansa.
Itigil ang witch-hunting at red-baiting!
Dr. Clemen Aquino, tagapangulo ng Departamento ng Sosyolohiya, magpaliwanag ka!
Sociology Department, uphold academic freedom!
Itigil ang politikal na panunupil sa kampus!
Katarungan at tenure para kay Prof. Sarah Raymundo!The Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy or CONTEND is a progressive organization of academics based in the University of the Philippines- Diliman.
1 comment:
Patalsikin si Clemen Aquino bilang puno ng kagawaran. Marami siyang estudyante na pinahirapan. Insecure siya sa mga katulad ni Prop Sarah Raymundo.
Post a Comment