Walang nagsabi kay Sarah na aabutin ng siyam-siyam ang kanyang pagiging permanente sa pagtuturo. Pumapatak nang isang taon at kalahati ang proseso, at wala pang katiyakan kung kailan ito bababa. O kung aalukin o tatanggihan ang kanyang aplikasyon.
Ito ang tinatawag na interregnum ni Antonio Gramsci, na ang kanyang paliwanag ay hindi pa namamatay ang luma gayong hindi pa isinisilang ang bagong kaayusan. Mala-mala, kumbaga, na tulad ng mga palaisipan, wala rito, wala roon; o hindi tao, hindi hayop…
Na kung iisipin naman, lahat ng karanasan ay dinadanas sa yugto ng interregnum. Walang lubusang apropriasyon o subersyon sa kasalukuyang kaayusan, gayong hindi rin naman lahat ay negosasyon. Tanging sa lilim ng akademya ang mga radikal na kaisipan nagkakaroon ng ugat at sanga, dahil may pangako ang akademya ng ideolohikal na tunggalian—dahil sa lebel lang naman ng idea ito maaring umusbong, umunlad, magbunga at magmaterialisa.
At ito ang pangunahing “krimen” na ipinadanas kay Sarah: na tanggalin ang kondisyon ng posibilidad sa ideolohiya sa akademya. Matapos niyang mamuhay at ituring ang akademya bilang tahanan ng sampung taon, at hanggang sa mga araw na ito ay wala pa ring formal na pagpapaabot ng kadahilanan ng pagtanggi sa tenure, kundi man kung bakit hindi pa ito ipinagkakaloob, ay inibsan na ang kontraryong kamalayan sa poder na ito.
Hindi lamang halos ipinid na ang pinto ng akademya kay Sarah. Ang nauna nang ipinid ay ang pag-asa sa kontraryong kaisipan at pagkilos na maaring tanggapin ng postura ng UP, ang tinatawag na exemplaryo ng liberalismo sa tertiaryong edukasyon. Akademya na ang isinasarang pinto dahil kung i-deny ang tenure ni Sarah, wala itong malilipatang ibang kapantay na karanasang UP.
Hindi nga ba’t tatlo o apat lang naman ang institusyon ng higher learning, mali man, na binibigyan-turing ng lipunang Filipino? Ang alingasngas ng kawalan ng tenure kay Sarah ay hahabol sa anumang unibersidad na pag-aapplyan nito. Sino ang gustong kumuha ng professor na kahit akademikong kwalipikado ay may tanong sa di akademikong gawain nito, kahit hindi naman dapat?
Malapit ang turing ko kay Sarah. Ko-editor kami sa pinakapaborito kong librong nalathala, Akademics Against Political Killings. Na kahit tadtad ng typo ay hindi pa rin matatawaran ang napapanahong interbensyon ng progresibong kaguruan sa di pa ring tumutumal na politikal na pagpaslang at abduction sa mga aktibista. Si Sarah ang isa sa pinakaorihinal na manunulat at kritikong panlipunan na natunghayan ko.
Kasama ko siyang natuto sa running. Ang aming itinakdang petsa ng pagkatuto ay ang unang fun run, 5K sa UP noong Agosto 2007. Pareho kaming halos mamamatay bago pa man matapos ang takbong ito. Ngayon ay minamani na lang namin ang 5K. At dumadalas ang pagsasama namin, kabilang ang iba pang guro, sa mga fun run. Tunay na isa itong sanktuwaryong aktibidad. Na kahit mabigat ang pasanin sa trabaho, o sa kanyang kaso, ang nagigipitang bato sa interregnum, ay nariyan ang running, umambon man o umaraw.
Na bago magmukhang parangal at letter of recommendation itong kolum, nais ko na lamang banggitin ang isang aspekto ng buhay. May mga taong dumarating sa buhay, may mga taong nawawala, lumiliban at bumabalik kahit paminsan-minsan, o permanenteng lumiliban. Ibang bagay pa kung bakit sila pinatutuloy o sa gate lamang kinakausap, o iniiwasan na parang walang tao sa bahay. Na ang katok o door bell ay kasing tindi ng antisipasyon kung ano ang dapat gawin, kaya ang madalas piliing gawin ay wala na lamang gawin.
Si Sarah ay dumating at tila hindi na aalis sa buhay ng maraming tao. Hindi naman sa pag-aangkin dahil si Sarah pa ang huling taong gustong magpaangkin bilang karelasyon, katuwang, kasama at kaibigan. At madalas nga ay nababalitaan ko na lamang, tulad ng ibang pang maimbentong rason ng di pagsulpot o pag-text back, na mayroon itong reunion sa mga kaklase niya noong high school, college, at pati grade school.
Hindi bumibitaw si Sarah, kaya hindi rin ako bibitaw. At ang iba pa niyang kasama. Sa edad ng interregnum, sa pinakalakas na kalabog ng isinasarang pinto o pinakatago—at kung gayon, pinakamalalim—na latay sa kalamnan, ang saga ng tenure at katarungan ni Sarah ay saga ng lahat ng guro at manggagawa sa edukasyon sa papakitid na siwang ng liberalismo sa edukasyon. Kung bakit tayo nandito at wala sa ibang lugar. Kung bakit ito ang pinili nating arena para makipagtunggali.
No comments:
Post a Comment