Kahit kontra sa etika, hayaan mong pangalanan ko ang biktima. Mayroon pong paulit-ulit na ginahasa (at patuloy na ginagahasa) sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya po ay walang iba kundi si Sarah Jane S. Raymundo.
Pamilyar ba ang kanyang pangalan? Si Sarah ang propesor sa Departamento ng Sosyolohiya na napabalita noong pinagkaitan ng tenure kahit na malinaw ang kanyang kuwalipikasyon bilang mahusay na guro sa kanyang mahigit siyam na taong pagtuturo sa UP.
Nagsimula bilang part-time na Lecturer noong Hunyo 1999, nahirang si Sarah bilang full-time na Instructor sa Nobyembre ng taong iyon sa nasabing departamento. Sa pagtatapos ng kanyang Master of Arts (MA) in Sociology, tumaas ang kanyang ranggo sa Assistant Professor makalipas ang pitong taon (Hunyo 2006).
Dahil sa kahusayan na kanyang ipinakita bilang guro at iskolar sa kanyang piniling disiplina, pito sa 10 tenured faculty ng Departamento ng Sosyolohiya ay bumotong pabor sa kanyang tenure noong Marso 2008. Pero ang magandang balita noong una ay napalitan ng masama kinalaunan. May mga nagbago ng posisyon, may mga patagong naglatag ng kanilang anti-komunistang disposisyon. May bumaligtad, may napaigtad. Ang dapat na para kay Sarah ay ipinagkait sa kanya. Kung hihiramin ang headline sa tabloid: Kawawang Sarah, ilang beses na ginahasa!
Nangyari ang unang panggagahasa noong Mayo 2008. Sinabihan kasi ng Vice Chancellor for Academic Affairs (VCAA) ang College Executive Board (CEB) ng College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) na magkomento sa isinulat na dissenting opinion ng tatlong tenured faculty na hindi pabor sa pagbibigay ngtenure kay Sarah. Dagdag pa rito, hiniling din ng VCAA noong Hunyo 2008 sa Departamento ng Sosyolohiya na magbigay pa ng karagdagang paliwanag kung bakit ang mga pang-akademikong kwalipikasyon at karangalang nakamit ni Sarah ay nakapangingibabaw sa isang insidente ng paglabag sa propesyonal na etika (further explain how the academic qualifications and achievements far outweigh this instance of breach of professional ethics).
Tulad ng ibang biktima, naramdaman ni Sarah noon ang pagsasamantala. Ang dapat ay simpleng kaso ng pag-apruba sa kanyang aplikasyon para sa tenure ay naging masalimuot na usapin. Kahit na may karapatang magtanong ang administrasyon, bakit tila mas binigyang-pansin ang pagtingin ng minorya sa puntong iyon?
Mas matinding panggagahasa ang nangyari noong Oktubre 2008 nang magbigay ng mas mahabang pahayag ang tatlong tenured faculty na hindi bumoto para satenure ni Sarah. Nakapagtatakang inabot ng halos apat na buwan bago nakapaglabas ng 13 pahina ang tatlong ito na inaakusahan si Sarah ng breach of professional ethics. Nag-ugat ang diumanong kasalanan ni Sarah sa hindi niya pagbibigay-linaw sa kanyang naging papel sa isang press conference hinggil sa pagkawala ni Karen EmpeƱo, isa sa dalawang estudyante sa UP na pinaghihinalaang dinukot ng militar.
Sa kanilang mahabang paliwanag, lumalabas na ayaw nila kay Sarah dahil sa diumanong pagsisinungaling niya tungkol sa isyung ito. Nakapagtataka lang na sa halip na suportahan ang anumang hakbangin para sa panawagang ilitaw ang nawawalang estudyante, pinili ng tatlong itong pag-initan ang isang propesor na nais makatulong sa kampanya para sa karapatang pantao. Hindi ko rin maubos-maisip kung paanong ang insidenteng ito ng diumanong pagsisinungaling ay nakapangingibabaw sa mahusay na paggampan ni Sarah sa larangan ng pagtuturo at pananaliksik.
Sa editoryal na pamantayan, lubos na nakakawala rin ng dignidad kay Sarah ang pagkakaroon ng tatlong “kaaway” na hindi marunong magsulat sa wikang Ingles. Wala silang masyadong alam sa balarila ng wikang ito (Halimbawa nito’y ang paulit-ulit at nakakahilong paggamit ng mga katagang “We are of the view“). Kalat din ang kanilang mga punto’t mahirap sundan ang daloy ng diskusyon. (Mayroon ngang isang argumentong hindi ko maintindihan: Sinisisi si Sarah sa hindi paglalagay ng isa sa kanyang maraming publikasyon sa Justification (for tenure)niya!) Binigyan naman sana nila ng kaukulang paghahanda ang mga argumento at hindi lang sila nagbigay ng sabog na diskurso! Kung sabagay, ano pa ba naman ang maaasahan mo sa tatlong propesor na hindi masyadong kilala sa larangan ng sosyolohiya, kumpara kay Sarah na unti-unting nagkakapangalan pati sa internasyunal na larangan.
Pero ang mas malala pang panggagahasa ay nangyari noong Nobyembre 6, 2008. Sinabihan si Sarah ng tagapangulo ng Departamento ng Sosyolohiya na ang mga tenured faculty ay HINDI INAPRUBAHAN ang kanyang aplikasyon para magkaroon ng tenure. Hindi sinabi ang dahilan ng desisyong ito. Pero heto ang pinakamasaklap na balita: Sinabihan siyang huwag nang pumasok sa klase kahit ang kontrata niya’y matatapos pa sa Disyembre 2009.
Nagpatuloy ang panggagahasa noong Nobyembre 14, 2008 nang sumulat ang departamento ni Sarah sa VCAA na hindi na ito magrerekomenda ng tenure.
At dahil napagsamantalahan nang maraming beses at pilit na tinanggalan ng dignidad, dumulog si Sarah sa Chancellor noong Nobyembre 20, 2008. Makalipas ang isang taon (Nobyembre 3, 2009), nakuha ni Sarah ang sagot ng Chancellor na hindi pabor sa kanyang tenure. Hindi akalain ni Sarah na ang dapat na magbibigay ng hustisya sa kanya ay isa pa sa maraming manggagahasa, at inabot pa ng napakahabang panahon bago niya nalaman ang katotohanang ito!
Makalipas ang 10 araw (Nobyembre 13), umapila naman si Sarah sa Presidente ng UP hinggil sa kaso niya. Ano ang ginawa ng Presidenteng abala sa maraming gawain? Makalipas ang isang buwan (Disyembre 14), sumulat ang Presidente ng UP sa departamento ni Sarah para hingin ang sagot ng tenured faculty sa isang simpleng tanong: “Do you recommend the grant of tenure to Prof. Sarah Raymundo?” At noong Disyembre 16, 2009, nalaman ang resulta ng referendum: Lima ang hindi pabor, apat ang pabor. Malas lang ni Sarah dahil ang dalawang propesor na dating bumoto pabor sa kanya ay retirado na.
Tulad ng inaasahan, ang biktima’y umakyat sa pinakamataas na policy-making body ng UP, ang Board of Regents (BOR). Gumawa siya ng isang liham sa mga miyembro ng BOR noong Enero 15, 2010 para ulit-ulitin ang kawalan ang hustisya, ang mga nangyaring panggagahasa sa kanya.
At dahil mahusay na nailahad ni Sarah ang kanyang argumento (bukod pa sa suportang ibinigay ni Faculty Regent Judy Taguiwalo), nagdesisyon ang BOR noong Mayo 27, 2010 na sang-ayunan ang kanyang apila. Sa madaling salita, nabigyan ng tenure si Sarah!
Pero kung inaakala mong dito nagtatapos ang kuwento, pati na ang panggagahasa kay Sarah, nagkakamali ka. Wala pa pong hustisya. Habang sinusulat ito’y hindi pa nakakabalik si Sarah sa pagtuturo. Ayaw pang aksyunan ng Departamento ng Sosyolohiya ang utos ng BOR na bigyan ng tenure si Sarah.
Nakakagulat pa nga ang nangyayari sa kasalukuyan. Kahit malinaw na si Sarah ang biktima, maririnig mo ngayon sa ilang sulok ng pamantasan (lalo na sa Departamento ng Sosyolohiya) ang mga ingay ng ilang walang pakundangan. Sinasabi ng mga nagkait ng tenure kay Sarah na sila ang tunay na biktima! Wala raw karapatan ang mga taga-labas (tulad ko) na makialam sa mga bagay na internal lang sa kanilang departamento. Dapat daw igalang ang institutional/departmental autonomy dahil ang tanging layunin lang nila ay protektahan si Sarah.
Sa totoo lang, nawala ako sa argumentong nasa interes diumano ni Sarah ang pagkakatanggal sa kanya. Hindi ko maintindihan ang lohika ng paggamit sa konsepto ng autonomy para huwag sabihin kay Sarah noong una ang dahilan ng hindi pagbibigay ng tenure sa kanya. Kailangan pang hintayin ang memorandumng Chancellor (na kalakip bilang annexes ang napakaraming dokumento hinggil sa kaso niya) para malaman ni Sarah ang konteksto ng paulit-ulit na panggagahasang pinagdaanan niya.
At sa kaso ng panggagahasang ito, kailangan kong pangalanan ang biktima, pero hayaan mong itago ko ang mga salarin. Simple lang po ang dahilan: Ang mga nanggahasa at patuloy na nanggagahasa ay wala sa antas ng pang-akademikong kakayahan ng isang Sarah Jane S. Raymundo. Malaking insulto para kay Sarah na mabanggit kasama ang pangalan nila.
Totoo pong may ginahasa at patuloy na ginagahasa sa UP Diliman. Pero sadyang kabaligtaran ang katotohanan. Sa sitwasyon ni Sarah, ang mga nanggagahasa’y siyang nahuhubaran, samantalang ang biktima’y siyang nabibigyang dangal.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
No comments:
Post a Comment