Rommel Rodriguez*
Kapag babagtasin ang kahabaan ng university avenue, makikita pa rin ang nakadipang katawan ng oblation bilang simbolo ng pagiging bukas ng unibersidad sa tradisyon nitong pagsilbihan ang mamamayan. Subalit ngayon, sa pamamagitan ng mga biswal na pagbabago na nagaganap sa pamantasan, unti-unti nang niyayakap ng oblation ang kanyang sarili kahit gawa sa kongkreto ang buo nitong katawan.
Marahil, hindi na lingid sa kaalaman ng karamihan ang nakikitang proyekto ng administrasyon na pagandahin ang biswal na katangian ng unibersidad. Nariyan ang pagpapalit ng daanan sa paligid ng academic oval. Sa mga labasan at pasukan ng mga sasakyan, nilagyan na ng tarangkahan ang mga ito bukod sa pagtatalaga ng mga guwardiya bilang pahiwatig ng pagpapahigpit ng seguridad. Sunod-sunod ang pagpapapintura ng mga kolehiyo at muling pinatingkad ang matamlay na kulay ng mga ito upang magmistulang bago ang mga nabubulok ng edipisyo. Idagdag pa ang pagpapalit ng mga karatulang pinalaki, bukod sa nagsulputang ng mga regulasyong nagbabawal sa mga maliliit at itinuturing na ilegal na transaksyon sa loob ng unibersidad. Nahihilo ang mga motorista sa pagsunod sa mga batas trapiko kapag nakapasok ng pamantasan ang kanilang sasakyan. Makikita na rin ang paggawa ng mga kalsadang sumusuyod sa kalooban ng pamantasan.
Sa unang malas, mistulang seryoso ang administrasyon sa hangarin nitong maging isang world-class university ang U.P. Sa pamamagitan ng biswal na pagpapaganda, hangad nitong umangat ang ranggo ng pamantasan kapag inihanay na sa mga unibersidad sa ibang bansa, kahit man lamang sa timog silangang asya. Dahil katatapos lang ng sentenaryo, mukhang makatarungan nga na ayusin ang sira-sira at nabubulok na imahe ng pamantasan. Gayunman, dahil sa pagpapanibagong hubog nito, mas halata ang mga nais nitong itago. Sa pagbabago ng arkitektura ng U.P., mas natitiyak na may nais itong burahing tradiksyon at kamalayan.
Sa katapat na lupain sa Commonwealth Avenue, mabilis na naitayo ang U.P.-Ayalaland techno hub na dating tinutulan ng mga aktibista noong dekada nubenta. May pangako pa noon ang administrasyon na kapag ipinarenta ang mga buhag-buhag na lupain, hindi tataas ang tuition. Sa halip, mas magkakaroon pa raw ng sariling pondo ang pamantasan upang masuportahan nito ang pinansyal na pangangailangan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga komersyal na establisyimento. Epekto ito ng galaw ng kapitalismo. Ang paglalagay ng techno hub malapit sa unibersidad ay senyales ng pagpapalawak nito ng teritoryo dahil sa unti-unti na itong bumabagsak at naghihingalo. Kaya, ang lakas-paggawa ng mga mag-aaral ang nakikita nitong pangunahing maaaring pagkunan ng tubo na itinatago sa likod ng pinasyal na tulong na iniaalok nito sa unibersidad.
Bakit nga ba lumalapit ang mga lokal at dayuhang kapitalista sa mga unibersidad? Sapagkat nakikita nila ang malawak na lakas-paggawa na makukuha nila sa mga estudyanteng inililibre nila ng sakay ng dyip tuwing Martes. Ang mga mag-aaral ng U.P. ang magta-trabaho sa mga call center na lilikha ng malaking kita habang sila rin naman ang ginagatasan ng mga lokal na kapitalistang nagtayo ng iba’t ibang negosyong nakapaloob sa techno hub tulad ng kainan, bookstore at kapihan. Ibig sabihin, ang mga mag-aaral ang lumilikha ng kita at sila pa rin ang nakikitang maaaring pagkakitaan. Kaya ano ang epekto? Taktikal na naitatago ang sistema ng edukasyon na unti-unting nabubulok at bumababa ang kuwalidad. Nawawala ang esensiya ng pamantasan bilang pugad ng akademikong kagalingan sapagkat nagiging isa na itong kapitalistang inilalako ang kanyang nasasakupang lupa at mga mag-aaral, na sa halip na ituon ang panahon at oras sa pag-aaral ay napipilitang magtrabaho.
Tulad nang inaasahan, hindi bumaba ang tuition. Libu-libo ang itinaas nito. Ang mga nakapasang mag-aaral na hindi kinaya ang mataas na bayarin ay mistulang tinalikuran ng oblation. Namimili na ngayon ang unibersidad ng mga mag-aaral batay sa yaman at hindi sa talino. Ang pangako ng pag-unlad ng pamantasan at akademikong kagalingan ay napalitan ng isang komersyal na pamantayan. Kung kaya’t ang pag-unlad ay makikita lamang sa temporal na pagbabago ng arkitektura ng unibersidad, sa halip na pagpapaunlad ng akademiko nitong kakanyahan.
Maraming itinatago mula sa mga tagalabas ang mga pagbabagong ng pisikal na representasyon ng unibersidad. Ang pagpapahigpit ng seguridad ay senyales lamang na hindi ligtas ang nasasakupan nito sa mga krimen. Ilang bangkay na rin ba ang itinapon sa kampus? At nito lamang nakaraang taon, naibalita ang panloloob ng isa sa mga bangko sa unibersidad. Gayunman, ang hindi nakikitang krimen ay ang pagpaslang sa tradisyon ng unibersidad bilang pugad ng intelektuwal na mga usapin. Tinatalikuran nito ang radikal at progresibong kamalayan ng U.P. Habang nagaganap ang pagpapaganda ng biswal na representasyon ng pamantasan, sinisikil at pinapaslang naman nito ang mga tumututol sa mga mapang-api at tiwaling sistema ng edukasyon.
Sa kasalukuyan, nagaganap ang iba’t ibang uri ng represyong pulitikal sa kampus. May mga gurong nais nitong tanggalin kapag nagpahiwatig ng kontra-diskursong ideolohiya sa pinapangalaan ng mga administrador na sistema ng edukasyong anti-mamamayan at yumuyukod sa burgis na pamantayan. Maging ang usapin ng mga mag-aaral hinggil sa kanilang karapatan na magkaroon ng epektibong representasyon ay pilit na binabago upang umayon sa proyekto ng neo-liberal na edukasyon at komersyalisasyon.
Noon, maaaring lumabas-masok ang mga estudyante sa mga kolehiyo na walang suot-suot na i.d. Subalit ngayon, maraming mga mag-aaral ang nagsusuot nito na para bang iwinawasiwas ang pagiging estudyante ng U.P. Tulad ng pamantasan, naapektuhan na rin ang pagbabago ng itsura ng mga mag-aaral nito. Marahil, sasabihin ng iba na walang masamang layunin ang pagsuot ng i.d. Subalit marapat tandaan na hindi ito ang tunay na tatak ng pagiging iskolar ng bayan, kundi ang pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip at pagsasapraktika ng kamalayang mapagpalaya.
* Si Rommel Rodriguez ay kasalukuyang guro sa U.P. Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura. Kasapi siya ng CONTEND-UP at Palanca awardee sa maikling kuwento.
No comments:
Post a Comment